Pinagbawalan ang mga cargo truck at iba pang mabibigat na sasakyan na dumaan sa Concordia Bridge sa may President Quirino Avenue sa Maynila, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi ng MMDA na tanging magagaang na sasakyan lang ang pansamantalang maaaring dumaan sa southbound lane ng Concordia Bridge para bigyang-daan ang pagkukumpuni sa tulay.
Kabilang sa magagaang na sasakyan ang mga motorsiklo, tricycle at kotse na hindi hihigit sa 4,500 kilo.
Ang mabibigat na sasakyang hindi makadadaan sa tulay ay pinapayuhang gumamit ng mga alternatibong ruta.
Mula sa Nagtahan, kumanan sa M. Guazon Street/Otis Street bago kumaliwa sa Quirino Avenue Extension, diretso sa Plaza Dilao at kanan sa President Quirino Avenue patungo sa destinasyon.
Una nang ininspeksiyon ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tulay at natuklasang kailangan itong kumpunihin.
May mga traffic enforcer din na nakatalaga sa lugar para ayudahan ang mga motorista. (Anna Liza Villas-Alavaren)