Tiniyak ni Quezon City Mayor Herbert M. Bautista na paiigtingin niya ang reporma sa pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas mabilis na serbisyo para sa mamamayan.
Sa kanyang inaugural speech kamakalawa, sinabi ni Bautista na dapat sumunod ang lahat sa bagong pinuno ng bansa na malinaw ang layunin at polisiya sa pangangasiwa sa gobyerno.
Aniya, ang pagbabago sa pamumuno ay dapat na epektibo, mabilis at pakikinabangan ng lahat ng taga-Quezon City.
Inilatag din ng alkalde ang tatlong mahahalagang punto sa kanyang pamamahala sa siyudad sa susunod na tatlong taon.
Ang mga ito ay pagpapatupad ng rationalization plan, modernisasyon ng mga programa ng siyudad, at automation para sa mga serbisyo sa mga residente.
Binigyang-diin ng alkalde na dapat hindi magdoble ang papel ng isang opisyal ng gobyerno at hindi ito mag-atubiling ilipat sa ibang posisyon ang isang indibiduwal para mas marami itong magagampanan upang makapagsilbi sa publiko.
Plano rin niyang pag-isahin ang ilang departamento at operating unit na may kahalintulad na gawain. (Chito Chavez)