Nagtipun-tipon kahapon sa harap ng tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Maynila ang mga empleyado ng poll body upang ipanawagan na ayusin na ang hindi pagkakaunawaan ng kanilang mga opisyal.
Ito ay kasunod nang naisapublikong iringan sa pagitan ng mga poll official kaugnay ng mga kontrobersiya na may kaugnayan sa katatapos na eleksiyon.
Dakong 12:00 ng tanghali nang maglabasan sa kani-kanilang tanggapan ang mga empleyado na pawang miyembro ng Comelec Employees Union (Comelec-EU) at sama-samang nagsindi ng kandila kasabay ng apela na magkasundo na ang mga poll official.
Nagpakawala rin ang mga ito ng mga puting lobo matapos ang pagtitipon dakong 1:00 ng hapon, habang ang iba ay may bitbit na banner na nasusulatan ng, “United we stand, divided we fall!”
May bitbit rin na mga coupon bond ang mga kawani at nakasulat doon ang kanilang mga hinaing na may kinalaman sa hazard pay, umento sa sahod, at pagkakaroon ng health card.
Tanging si Comelec Chairman Andres Bautista lang ang dumalo sa pagtitipon ng mga empleyado at nakiisa sa hiling ng mga ito na dapat nang magkaisa ang mga opisyal ng ahensiya.
Ayon kay Bautista, maituturing itong bagong simula, lalo na ngayong kauupo lang sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte. (Mary Ann Santiago)