Kinuyog bago pinagsasaksak ng apat ng lalaki ang isang 49-anyos na negosyante makaraang singilin sa utang ang mga suspek sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang biktima na si Rupert Dominic Callata, ng West Avenue, Barangay West Triangle.

Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang tatlo sa apat na suspek na sina Antolin Mandap Jr., 38; Arnold Mandap, 40; at Agapito Rufa, 51, na pawang residente ng Apollo Street, Tandang Sora.

Ayon sa salaysay ng anak na babae ni Callata, nagtungo sila sa bahay ng mga Mandap upang maningil ng utang dakong 12:30 ng umaga.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Pero sa halip na magbayad ng utang, napikon umano ang apat na suspek at biglang pinagpapalo ng tubo at pinagsusuntok ang biktima.

Nang bumagsak na sa sahig at wala nang malay, sinabi ng anak ng biktima na hindi pa rin nakuntento ang mga suspek at tinarakan si Callata sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago tumakas.

Sa isinagawang follow up operation, naaresto ng pulisya si Gallardo sa kanyang bahay at kasalukuyan itong nakadetine sa Camp Caringal. - Vanne Elaine P. Terrazola