Binigyan ni Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista ang mga drug pusher sa siyudad ng isang linggo para kusang sumuko bago ilunsad ang pinaigting na operasyon ng pamahalaan lungsod, ang all-out drive laban sa droga.

Ayon kay Bautista, hanggang sa Hunyo 30 lamang ang deadline ng mga sangkot sa drug trade upang sumuko sa awtoridad at magsimula ng bagong buhay.

“You have seven days remaining. Pitong araw pa para sa lahat ng magbabalik-loob na sa pamahalaan, at tutulungan kayo na magbago at magbagong-buhay,” inihayag ng alkalde.

“Yung mga pasaway, wala na tayong magagawa. Ang makakasagupa n’yo na ay ‘yong kamay na bakal ng pamahalaan. Huhulihin kayo, at kung kayo’y lumaban, walang magagawa ang kapulisan kundi lumaban din. Hindi na natin alam kung anong hahantungan n’yo,” babala ni Mayor Bistek.

Probinsya

Dahil takot kay misis? Lalaking naipatalo pambayad ng kuryente, nagpanggap na na-holdap

Sa pagpapatupad ng Quezon City Police District (QCPD) sa kampanyang “Oplan Katok at Pakiusap” o KAPAK, umabot na sa 738 drug pusher at user ang sumuko sa pulisya hanggang nitong Biyernes.

Sa ilalim ng naturang programa, boluntaryong nagpasailalim ang mga pusher at addict sa drug testing at rehabilitasyon matapos silang isalang sa documentation process ng QCPD.

Inoobliga rin ang mga sumuko na pangalanan ang supplier ng kanilang droga, ayon sa pulisya.

“We, the local government, also gave ourselves an ultimatum to be serious in the campaign against prohibited drugs, especially that incoming President Rodrigo Duterte asks us to,” sabi ni Bautista. (VANNE ELLAINE P. TERRAZOLA)