Inilunsad kahapon ng Department of Science and Technology (DoST) ang isang five-coach hybrid electric train (HET) set na posibleng magbigay ng upgrade sa mga tren ng Philippine National Railways (PNR).
Sinabi ni DoST Secretary Mario Montejo sa media launch kahapon sa PNR Tutuban station na ang P120-milyon HET project ay dinebelop ng mga Pinoy engineer mula sa ahensiya ng kagawaran, ang Metals Industry Research and Development Center (MIRDC) noong 2013.
“Bakit pa tayo magde-depend sa foreign [companies] to solve or address itong ating problema sa mass transportation system? We are fortunate to have the best engineering and technical minds in the country. Ito ang isinusulong namin talaga na mindset, na we can solve our own problems. Bigyan lang natin ng suporta, encouragement ang ating mga engineers at scientists para makatulong sila, gamit ang siyensiya at teknolohiya,” sabi ni Montejo.
Ang HET ay may bilis na 60-80 kilometres per hour (kph), gaya ng PNR. Sa limang coach ng isang set, ang tatlo ay kayang magsakay ng 220 pasahero bawat isa; ang isa ay masasakyan ng 210, dahil may pilot coach sa loob na roon nakaupo ang driver, at ang isa ay ginagamit na power coach, na kinaroroonan ng makina nito.
Sinabi ni Montejo na ang kaibahan ng HET sa ibang tren ay ang paggamit nito ng diesel-electric power system na kinabibilangan ng nakakabit na generator set at battery. Gayundin, awtomatikong nare-recharge ang battery ng tren kapag hindi ito umaandar.
Bukod dito, mas mura ang HET kumpara sa mga inangkat na tren at mas mababa rin ang halaga ng pagmamantine dahil lokal ito.
Sa kasalukuyan, ang PNR ay may 12 tren na nakakalat sa Metro Manila at Bicol. Sa 12 tren, pito ang nakabase sa Metro Manila ngunit anim lamang ang bumibiyahe at ang isa ay reserba. (Martin A. Sadongdong)