Kasalukuyang walang acting chairman ang Commission on Elections (Comelec) matapos magtungo sa ibang bansa si Chairman Andres Bautista na walang itinalagang kahalili niya sa ahensiya.
Ito ang inihayag ni Comelec Commissioner Christian Robert Lim dahil, ayon sa kanya, nakasaad sa mga regulasyon ng Comelec na kung liliban sa trabaho ang chairman ng ahensiya, dapat itong magtalaga ng acting chairman na nakasaad sa isang kasulatan.
“Unless you designate, there will be no acting chairman,” ayon kay Lim.
“Before whenever the chairman leaves it’s submitted to the en banc which then makes a resolution whether the travel is official or not...part of the approval of the travel is the designation as to who will be the acting chairman. Now we don’t have that,” dagdag ni Lim.
Ayon pa kay Lim, nadiskubre lamang niya na nagtungo sa Japan si Bautista nitong Huwebes.
“It’s a good thing that its Friday and its Manila Day...but there’s really a lot of matters that you need the chairman’s approval,” ayon sa opisyal.
Sa memorandum na may petsang Hunyo 21, ipinagbigay-alam ni Bautista ang kanyang biyahe sa ibang bansa sa en banc, sa pamamagitan ni Atty. Consuelo Diola, acting Commission Secretary, para sa kanyang “one-day privilege leave” nitong Hunyo 23 upang samahan ang kanyang anak sa Tokyo, Japan, hanggang sa Hunyo 26.
“This is a personal trip that will entail no cost to the Commission,” ayon kay Bautista.
Inaasahang magbabalik-trabaho si Bautista sa Lunes, Hunyo 27. (LESLIE ANN G. AQUINO)