Sa kabila ng panawagan nina Quezon City Mayor Herbert Bautista at QC Police District Director Chief Supt. Edgardo Tinio sa mga pusher na kusang sumuko na, pinili pa rin ng tatlong tulak na ipagpatuloy ang kanilang ilegal na gawain na naging mitsa ng kanilang buhay, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Chief Insp. Enrico Figueroa, hepe ng District Anti-Illegal Drugs Division (DAID), napatay sa pakikipagbarilan sa pulisya ang tatlong pinaghihinalaang miyembro ng drug syndicate na sina Darwin Moralla, Virgilio Arsega, at isa pang hindi kilalang suspek.
Ayon sa pulis report, lima pang kasamahan ng mga napatay ang nakatakas.
Base sa ulat, nangyari ang insidente dakong10:00 ng gabi nitong Biyernes nang magsagawa ng buy-bust operation ang QCPD-DAID sa isang pinaghihinalaang drug den sa UP Arberotum, Barangay UP Campus.
Subalit sa halip na tumugon sa panawagan ng pulisya na sumuko, pumalag pa umano ang mga suspek at pinaputukan ang awtoridad.
Hindi nagtagal ay bumulagta ang tatlong pinaghihinalaang miyembro ng drug syndicate subalit nakatakas naman ang kanilang mga kasamahan sa kasagsagan ng barilan ng dalawang grupo. (Jun Fabon)