Bukod sa kalaboso, gulpi-sarado ang isang lalaki na umano’y may diperensiya sa pag-iisip matapos niyang sunugin ang bahay ng kanyang kasera sa hinalang kinabitan umano ito ng closed circuit television (CCTV) ang bahay nito sa Malabon City, nitong Huwebes ng hatinggabi.
Maga ang mukha dahil sa mga suntok ng mga residente nang dalhin sa presinto ang suspek na si Joselito Sayo, 45, ng Custodia Street, Barangay Santulan, ng nasabing lungsod, na ngayon ay nahaharap sa kasong arson.
Hinimatay naman sa sobrang galit si Maribeth Valles, 42, dahil sa pagkasunog ng kanyang bahay.
Ayon sa report, bandang 12:00 ng hatinggabi nang nagulat ang mga residente matapos magliyab ang bahay ni Valles.
Nabatid na pumasok si Sayo sa bahay ng ginang at binuhusan ng gaas ang kalan saka sinilaban.
Nagkagulo ang mga naroon at nagkani-kanyanng kuha ng tubig para apulahin ang nagliliyab na bahay.
Makalipas ang apat na minuto, naapula ang apoy at nakita nila na papatakas na ang suspek kaya hinabol ito ng mga residente at pinagtulungang gulpihin.
Dumating ang grupo ni Kagawad Antonio Ponce at naawat ang pambubugbog sa suspek na agad na dinala sa presinto.
Inamin ni Sayo na sinunog niya ang bahay ni Valles dahil kinabitan daw nito ng CCTV ang bahay niya, pati ang banyo.
(Orly L. Barcala)