Angeline copy

NAKAKATUWA si Angeline Quinto dahil tuwing nakikita namin sa compound ng ABS-CBN ay hindi nakakalimutang magpasalamat sa anumang isinusulat namin tungkol sa kanya.

At ngayong magka-Facebook na kami, through direct message naman siya nagpapasalamat tulad ng sinulat namin kamakailan na naospital siya.

“Ate Reggee, nakauwi na po ako (galing sa pagkakaospital). Pero start na po kasi kami ng dubbing para sa movie (That Thing Called Tanga). Thank you, Ate Reggee sa sinulat n’yo at least naintindihan po ng mga tao. Hirap magkasakit ‘di ako sanay na laging nakahiga lang sa kama po he-he,” mensahe ni Angge.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

 

Binati namin ang singer/actress sa nabalita naming may follow-up movie na agad siya sa Regal Entertainment sa sobrang tuwa raw si Ms. Roselle Monteverde sa kanya.

 

“Oo nga po, under Regal po ulit pero ‘di pa po sure ang title. Ang saya-saya, Ate Reggee sana mas marami pa akong trabaho, para mapaayos ko na ang lumang bahay namin sa Sampaloc habang buhay pa ang Mama Bob ko, para makita niyang mapaganda ko ang bahay namin du’n.

 

“‘Yun po kasi ‘yung bahay namin kung saan ako lumaki. May kaibigan po ang Mama Bob ko du’n na parang tita ko na rin, s’ya po ang namamahala du’n ngayon sa bahay namin dati. Sobrang nababaha po ‘yung lugar namin du’n kaya ‘pag nakaipon po ako ipapataas ko po ‘yun at ipapaayos ko dahil ‘yun ang gusto ni Mama Bob ko,” kuwento ni Angeline.

 

Dadami pa projects niya dahil mabait siyang anak, sabi namin.

“Ate Reggee, Salamat po, ha? Maraming salamat po sa lahat at salamat po lagi,” sagot ng alaga ng Cornerstone Talent Management. (Reggee Bonoan)