Determinado si Jonathan Taconing na maiuuwi ang World Boxing Council (WBC) light flyweight belt na hawak ni Mexican champion Ganigan Lopez sa kanilang salpukan sa Hulyo 2.
Tumulak patungong Mexico City ang team ni Taconing nitong Huwebes ng madaling araw upang mapaghandaan ang kanilang championship match sa Arena Coliseo.
Ito ang unang pagdedepensa ni Lopez ng koronang naagaw niya mula kay Yu Kimura ng Japan.
Ayon sa PhilBoxing.com, inihayag ng management team nina Johnny at Liza Elorde na kahit tinangka ng kampo ng Mexican champion na huwag matuloy ang orihinal na salpukan nitong Hunyo 11, hindi naman nagpaapekto si Taconing. Nagpursige pa rin ang 29-anyos na southpaw sa kanyang training na umabot sa 160 rounds ng sparring session kontra kina Benezer Alolod, Ruel Rosia, Robert Onggocan, Jerome Clabite, Felipe Cagobgob, Cris Alfante, at Edward Semillano.
Idinagdag pa ni Liza na kasama ni Taconing sa pagtungo sa Mexico City ang kanyang mga anak na sina Miguel at Martin Elorde para magabayan ang fighter na kilala rin sa alyas na “Lightning.”
“I know he’s coming with all of his might to take my title and bring it home to the Philippines,” wika ng kaliwete ring si Lopez (27-6, 17 knockout).
Ito naman ang pangalawang pagkakataon para kay Taconing (22-2-1, 18 knockout) na mapasabak sa title bout simula nang matalo siya sa kontrobersiyal na 5th round technical decision kay Thai champion Kompayak Porpramook sa Bangkok noong Mayo 3, 2012.
Ikinasa naman ni Taconing ang siyam na sunod na knockout win kasama ang impresibong 10th round stoppage kay Raul Garcia Hirales noong Abril 4, 2015 sa Mexico. (Gilbert Espena)