PALALA nang palala ang traffic sa lahat ng entrada patungong Bonifacio Global City sa Taguig.
At sa tuwing kasagsagan ng trapiko, walang masakyang pampasaherong jeepney.
Sa Gate 3, sa bukana ng Fort Bonifacio sa paanan ng Nichols Interchange, kilo-kilometro ang haba ng pila ng naghihintay ng jeepney pagsapit ng gabi.
Sa kabilang bahagi ng kalsada, mayroon ding mga nakapila pero mabilis na nakakasakay ang mga ito, hindi sa jeepney kundi sa mga motorsiklo na bumibiyahe sa loob ng Fort Bonifacio at BGC.
Mas kilala sa lugar bilang “habal-habal,’ naniningil ang mga rider nito ng P30 hanggang P50 kada pasahero depende kung magpapahatid sa kani-kanilang bahay sa loob ng AFPOVAI.
May bitbit na extra helmet, ito ang ipinasusuot nila sa mga pasahero upang hindi maispatan at masita ng mga guwardiya ng BGC at traffic enforcer ng Taguig City.
Bawal ang habal-habal sa BGC. Subalit dahil sa kakulangan ng masasakyan tuwing rush hour, naging patok na ito at maski ang mga mula sa alta de ciudad ay napipilitang sumakay dito.
Nakasuot man ng Barong Tagalog o amerikana, walang pakialam kung tawaging “’wa-poise.” Sabak lang nang sabak kaysa naman mahuli sa appointment.
Ibang klase ang trapiko sa Fort Bonifacio at BGC. Tuwing “Friday-the-payday,” halos walang galawan ang sasakyan dahil limitado ang lagusan at labasan sa lugar.
At kung ayaw n’yong maglakad at tumakbo sa paroroonan tuwing maiipit sa trapiko, habal-habal ang solusyon.
Aminado ang mga habal-habal na hindi awtorisado ang kanilang operasyon.
Marami sa kanila ay sundalo, aktibo o retirado, na suma-sideline upang may karagdagang kita sa araw-araw na gastusin.
Hindi man nila aminin na sila’y militar, halata naman sa kanilang pangangatawan at tabas ng gupit. Bukod dito, panay ang bigkas ng “sir” sa kalalakihan.
Si Roberto “Uncle Bob” Miralles ay isa sa mga patron ng habal-habal sa Fort Bonifacio-BGC.
Bagamat aminadong peligroso ang biyahe dahil dadalawa ang gulong ng motorsiklo, mas pabor si Uncle Bob sa serbisyo ng habal-habal kaysa maglakad ng kilo-kilometro dahil walang masakyang jeepney.
“Mas mahal pero mas mabuti na ito kaysa mapudpod lang ang sapatos ko at mamatay ako sa pagod,” katwiran ng negosyante.
Dahil madalas siyang sumakay ng habal-habal, madali para kay Uncle Bob na kilatisin ang magagaling na rider sa mga bagito.
“Sa tindig, pagbalanse habang stationary ang motorsiklo at naghihintay ng pasahero, alam mo na kung matagal na siyang rider,” aniya. (ARIS R. ILAGAN)