NAKAPANGHIHILAKBOT ang nakalipas na linggo.
Una, 49 na tao ang pinatay ng isang armadong salarin sa Orlando, Florida na tinagurian ng mga awtoridad na gawain ng terorismo at poot. ‘Di umano, nanumpa ang salarin ng pakikiisa sa teroristang grupo ng IS sa pamamagitan ng pagtawag sa 911.
Ito na ang itinuturing na pinakamatinding pag-atake pagkatapos ng 9/11 attacks sa Estados Unidos.
Pangalawa, tinawag ding gawaing terorismo ang pananaksak sa isang pulis at sa kanyang kasama sa Paris. Ayon sa pulisya, ang nasabing pag-atake ay may impluwensiya ng IS.
Dito naman sa atin, pinugutan ng Abu Sayyaf ang ikalawang bihag na Canadian pagkatapos lumipas ang taning sa pagbabayad ng ransom. Noong Abril 25, pinugutan ng Abu Sayyaf ang una nitong bihag mula sa Canada.
Kinondena ng mga gobyerno ng Pilipinas at Canada ang nasabing mga gawaing terorismo.
Dahil sa mga pag-atakeng ito ay nakatuon ngayon ang atensiyon ng buong mundo sa lumalaking panganib na dulot ng terorismo at kung paano ito mapipigilan.
Hindi na bago ang mga gawaing terorismo. Ang bago ay ang paglaganap nito at ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa komunikasyon upang ikalat ang maling ideolohiya.
Sa kabila nito, kailangan nating balikan ang ugat ng terorismo upang ito ay magapi. Naniniwala ako na ang kahirapan ang pundasyon at dahilan ng paglaganap ng terorismo.
Sa aking buhay na pansarili at maging bilang isang propesyonal, nakikibaka ako sa kahirapan. Bilang isang kabataan na maagang nakaranas ng kahirapan, kailangan akong makibaka upang magkaroon ng edukasyon at magtayo ng negosyo para makaahon sa kahirapan.
Bilang halal na opisyal sa loob ng mahigit 20 taon, itinuon ko ang aking paggawa sa pagbibigay ng oportunidad sa ating mga kababayan upang sila man ay makaahon sa kahirapan. Ito ang aking pang-habambuhay na krusada dahil naniniwala ako na ang lahat ng kasamaan sa lipunan ay bunga ng kahirapan—katiwalian, imoralidad, at kawalan ng katarungan ang mga katulad nito.
Sa Pilipinas, sinasamantala ng mga grupo ng terorista ang pagdarahop ng ating mga kababayan upang isulong ang kanilang masamang gawain.
Dahil dito, naniniwala ako na ang anumang pagtatangka na isulong ang kapayapaan sa bansa, maging ito man ay sa pagitan ng pamahalaan at mga rebeldeng Muslim o Komunista, ay dapat may kasamang estratehiya upang lutasin ang kahirapan.
Kailangan nating lumikha ng trabaho at kabuhayan para sa mamamayan. Kailangang bigyan ng prayoridad ang imprastraktura, makabagong pagsasaka at pagpapaunlad sa kanayunan sa mga dako na nagkakaroon ng paglalaban at sa pinakamahihirap na rehiyon sa bansa.
Kasabay nito, kailangang isulong ang modernisasyon ng militar. Totoong nagkaroon ng mga pagbabago sa nakaraang mga taon, ngunit kulang pa rin kung titingnan ang mga panganib na dulot ng alitan ng Pilipinas at China sa teritoryo at ang lumalalang panganib na dulot ng terorismo sa rehiyon at sa daigdig.
Ang kambal na estratehiyang ito ay dapat ding lakipan ng mas epektibong kooperasyon mula sa ibang bansa upang sirain ang daloy ng pondo, impormasyon at komunikasyon sa mga terorista at mapalakas ang pagsasanay sa paglaban sa mga ito.
Ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang paglaya sa gutom at kahirapan. Nangangahulugan din ito ng kalayaan laban sa takot. (Manny Villar)