Ni REGGEE BONOAN

Kiko at BaronMARAMI ang nagulat nang mapabalita na sinapak ng indie actor na si Kiko Matos si Baron Geisler, ipinagtanggol daw ng huli ang waiter na sininghalan ng una nang magkasama sila sa isang fundraising event sa isang bar sa Quezon City, dahil himala at may lumaban sa aktor na laging nasasangkot sa gulo.

Kadalasan kasing si Baron ang nakakaisa sa mga nakakabangga niya lalo na kapag nakainom siya.

Pinanood namin ang nai-post na video sa social media ng pananapak ni Kiko at totoo nga, naunahan niya si Baron at naawa naman kami sa huli dahil nagtanggol na nga siya ng kapwa ay nasapak pa.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Marami pang ibang naawa kay Baron that time dahil kitang-kita siyang makikipagkamay kaya wala siyang kadepe-depensa dahil nga naunahan na at inawat na sila pagkaraang maupakan ang laging kontrabidang aktor.

Tinanggap nila ang imbitasyon sa Universal Reality Combat Championship (URRC) na tapusin ang kanilang gusot sa pamamagitan ng paghaharap sa ibabaw ng lona, Gaganapin ito sa Hunyo 25 sa Palace Pool sa Bonifacio Global City.

“If you guys are going to fight in the bar, you guys are both actors, famous personalities now, that doesn’t set a good example for anybody,” sabi ng founder ng URCC na si Alvin Aguilar. “Why don’t you settle your fight like real Filipino men? You go in the cage, you finish it, after that kamayan, then tapos na. Kaysa magha-hassle pa kayo ng ibang tao when you go in a bar, you break property, you hurt other people, magkakademandahan pa kayo.”

Pero nang magaroon ng pirmahan at pictorial, napabalitaang sinipa ni Kiko si Baron na ikinagulat na naman ng lahat. Sa video na nai-post, muli na namang nakuha ni Baron ang simpatiya ng tao.

Nitong nakaraang Sabado ng gabi ay nag-post si Kiko ng, “Oo na. Ako na naman ang may mali. Ako na si Mr. Cheapshot, si gay-ass move, traydor, bading, hindi marunong lumaban nang patas, ano pa?

“Itawag n’yo na sa akin ang lahat ng gusto n’yo. May karapatan naman kayo sa mga opinyon n’yo, at tanggap ko ‘yun.

“Pero bago kayo manghusga, alamin n’yo muna ‘yung buong pangyayari kung bakit ko nagawa ‘yung mga ginawa ko. Alamin n’yo sana din kung paano pinaplano ng kalaban ko na mapasama ako. Sino ba nag-upload ng video, ‘di ba kamag-anak din ni Baron?

“Hindi n’yo ba naisip na gumagawa lang siya ng patibong? Humihingi na lang ako ng pasensiya sa lahat ng tao na apektado ng mga actions ko. Ako na nga ‘yung nag-extend ng kamay ko para magbati na kami, pero ano ang ginawa niya?

“Meron lang akong gustong malaman, kung nakaharap n’yo si Baron Geisler at kinukupal kayo, makakahugot ba kayo ng lakas ng loob para gawin ang lahat ng ginawa ko sa kanya? 

“Kung oo ang sagot mo, bakit wala pa akong nabalitaan na may sumapak na kay Baron? ‘Wag kasi puro type at salita sa computer, dapat may gawa.

“Haharapin ko na nga siya sa June 25, ano pa ba ang gusto nyo? Tag n’yo idol n’yo.”

Pinanood namin ang buong video na kuha naman ng taga-URCC, at taliwas ito sa unang nai-post na video na ang nakunan lang ay ang pagsipa ni Kiko kay Baron na hindi na naman nakalaban ang aktor.

Sa buong video na kuha sa pirmahan, pinagkamay sila ng URCC founder, unang nag-abot ng kamay si Kiko samantalang nakatitig lang si Baron at nu’ng iaabot na niya ang kamay niya ay sumenyas siya ng bagay na nakakalaki. Hindi kumibo si Kiko, pero halatang nagngingitngit na.

Sumunod ang pictorial nila, nagsuot ng jacket si Baron at astang inaalaska si Kiko. Ang ginawa ng huli, nagsuot din ng jacket para patas sila, pero may ginawa uli ang una na isinuot ang salamin na ang isa ay may shades at isa ay wala at sumesenyas na ‘pagkatapos daw ng laban ay magiging malinaw daw ‘yung mata niya.

Muling pinag-face-off sina Baron at Kiko at ang ginawa ng una, sinasayawan niya ang huli sabay halik sa labi kaya napamura ang indie actor at tuluyan nang nag-init ang ulo at natadyakan si Geisler.