Patay ang isang miyembro ng “Sputnik” habang sugatan ang dalawang iba pa makaraang pagbabarilin ang una ng dalawang magkaangkas sa motorsiklo sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang napatay na si Manuel Gonzales, residente ng Kaunlaran Street, habang sugatan sa insidente matapos na tamaan ng ligaw na bala ang kapatid nitong si Christian at ang limang taong gulang nitong anak na si Chris.

Ayon sa mga imbestigador, pumapasada si Manuel sakay sa kanyang pedicab nang may makasagutan itong dalawang magkaangkas sa motorsiklo sa tapat ng kanilang bahay, dakong 5:30 ng umaga.

Makalipas ang ilang minuto, biglang pinutukan ng mga suspek ang biktima.

Eleksyon

Sara for President? VP Sara, inalis OVP seal sa kampanya; biro niya, palitan daw ng OP seal

Nang marinig ang sunud-sunod na putok, tumakbo si Christian palabas ng bahay upang alamin kung ano ang nangyayari subalit tinamaan siya ng ligaw na bala sa kanang paa. Tinamaan din ng stray bullet ang kanyang anak sa tiyan habang natutulog sa tapat ng kanilang bahay.

Dead on arrival si Manuel sa Tondo Medical Center.

Sinabi ni Supt. Redentor Ulsano na nabatid sa imbestigasyon na matagal nang may alitan ang biktima at ang mga suspek. (Jenny F. Manongdo)