Matapos magbigay si Quezon City Police District (QCPD) Director Chief Supt. Edgardo Tinio ng 24-oras na ultimatum para dakpin ang isa pang suspek sa panggagahasa sa dalawang babaeng pasahero ng colorum na UV Express, naaaresto ito kahapon ng madaling-araw ngunit kinuyog ng taumbayan at napatay makaraang mang-agaw umano ng baril ng pulis sa Quezon City.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Alfredo Torado, alyas Alfie, 34, tubong Isabela, dating nakatira sa Sitio Evergreen, Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
Ayon sa ilang kapitbahay sa Bgy. Pasong Tamo, kilala si Torado sa lugar bilang tirador o magnanakaw, at nagbebenta rina umano ng ilegal na droga kaya naman ilang beses na itong nakulong.
Base sa report ni Supt. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), itinuro si Torado ng isa pang suspek na unang nadakip, si Wilfredo Lorenzo.
Lumitaw sa imbestigasyon na 2:00 ng umaga kahapon nang mula sa CIDU ay dinala ng mga pulis si Torado sa hideout nito sa Bgy. Obrero upang kunin ang kanyang mga nakulimbat, sakay sa police mobile, nang bigla na lang umano nitong inagaw ang baril ng isa sa mga pulis at tumalon mula sa sasakyan.
Sa puntong ito, hinarang at kinuyog ng taumbayan si Torado at nang aarestuhin na siya ng mga pulis ay nagpaputok ang suspek kaya binaril na siya ng mga pulis.
Kaugnay nito, dalawa pang babae ang lumantad sa CIDU at positibong itinuro sina Torado at Lorenzo na gumahasa sa kanila sa loob ng colorum na van.
Nabatid na pareho ang dinanas ng dalawang babaeng lumantad sa mga huling nabiktima ng mga suspek, na binubugbog muna ang mga biktima, iginagapos bago ginagahasa. (JUN FABON)