Patay ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng magkapatid na tulak ng ilegal na droga, base sa suspetsang police asset ang mga biktima sa Makati City, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot sina Ruden Pagulong, 34, ng 0730 Churchill Street, Barangay Southside; at Jesus Santos, 38, ng Target Range, Bgy. Pembo, sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa .45 caliber pistol at .9mm na baril.
Agad na nagkasa ang awtoridad ng manhunt operations laban sa magkapatid na sina Christian at John Edang.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Nilo Sadsad, ng Makati City Police, dakong 2:00 ng umaga at abala sa paglalaro ng darts ang dalawang biktima nang bigla silang paulanan ng bala ng magkapatid na suspek sa Mocking Bird Street sa Bgy. Rizal.
Mabilis na tumakas ang mga suspek bitbit ang mga baril matapos masigurong patay na ang dalawang biktima.
Lumitaw sa record ng pulisya na kilalang drug pusher ang magkapatid na Edang sa kanilang lugar.
Maaaring pinaghinalaan ng mga suspek ang mga biktima na nagtimbre sa awtoridad kaugnay ng ilegal na gawain ng magkapatid kaya galit na sinugod at pinagbabaril ng mga ito sina Pagulong at Santos. (Bella Gamotea)