Nagpamalas ng kahanga-hangang kampanya ang nine-man Philippine Powerlifting Team sa nabuhat na 23 ginto, siyam na silver at tatlong bronze medal sa katatapos na 2016 Asian Powerlifting Championships sa Udaipur City, Rajasthan, India.
Pinamunuan nina Dianne Kathleen Chiang, Rowella Abrea, Letician Mancao, Spencer Co at Nicole Go ang hataw ng Nationals sa napagwagiang tig-apat na gintong medalya sa kani-kanilang event sa isang linggong torneo.
Nagningning si Chiang sa 63-kilogram girls junior division sa squat, bench press, deadlift and total, habang nawalis ni Abrea ang 47-kg. girls sub-junior level.
Nangibabaw din si Mancao sa 47 kg. women’s Open division sa career-high squat 142.5 kg., 62.5 sa bench press, 142.5 din sa deadlift pa-total 347.5 habang sumuko kay Co ang lahat ng nakalaban sa 93kg. junior division bago nagkampeon sa 84 kg. female jr.
May kontribusyong isang ginto bawat isa sina Regie Ramirez sa 59kg Open men, bukod pa sa kanyang 2 silver at 1 bronze; Betina Bordeos na may na may tatlong silver din at Preetiz Angulo na mayroong tatlong pilak.
Maski may karamdaman, nagawang manalo ng isang silver at dalawang bronze medal ni Anita Koyka kaya pinagmalaki pa rin siya nina Powerlifting Association of the Philippines president Eddie Torres, secretary general at chef de mission Ramon Debuque, at director Cirilo Dayao.
Umayuda sa biyahe ng koponan ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC).
(Angie Oredo)