TARLAC CITY – Makalipas ang ilang araw na pagmamanman ng awtoridad sa isang riding-in-tandem na nagbebenta umano ng shabu, napatay nila ang dalawang suspek sa isang engkuwentro sa Barangay San Isidro, Tarlac City.

Sa ulat kay Tarlac City Police chief, Supt. Bayani Razalan, napatay sa sagupaan ang isang alyas “Jimmy”, habang ang isa ay inaalam pa ang pangalan. Pinaniniwalaang miyembro ng malaking sindikato ng droga ang dalawa.

Nakumpiska ng awtoridad sa buy-bust operation, pagkatapos ng sagupaan, ang P1,500 marked money, dalawang .38 caliber revolver, siyam na bala ng hindi matiyak na kalibre ng baril, limang basyo ng .38 caliber, at anim na plastic sachet ng mahigit limang gramo ng shabu na aabot sa P22,500.

Nakalagak ang labi ng dalawang napatay na suspek sa Lotus Funeral Parlor sa Tarlac City. (Leandro Alborote)

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol