IPINAGDIRIWANG ng mga Pilipino sa Pilipinas at sa iba pang bahagi ng mundo ang ika-118 anibersaryo ng deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas, o o kilala rin bilang Araw ng Kasarinlan o Araw ng Kalayaan, ngayong Hunyo 12, 2016. Ang tema ngayong taon ay “Kalayaan 2016: Pagkakaisa, Pag-aambagan, Pagsulong.”

Isasagawa ngayon ang pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak, dakong 7:00 ng umaga ngayong Linggo, sa iba’t ibang makasaysayang lugar: Liwasang Bonifacio, Rizal National Monument, Pinaglabanan Memorial Shrine sa San Juan, Pamintuan Mansion sa Angeles City, Barasoain Church sa Malolos City, Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion sa Manila North Cemetery, at Bonifacio National Monument sa Caloocan City. Magdaraos din sa Kawit, Cavite, ng pagtataas ng bandila at pagbasa ng Philippine Declaration of Independence sa Aguinaldo Shrine.

Pangungunahan ni Pangulong Benigno S. Aquino ang simpleng seremonya sa Malacanang, ang huling beses na pangungunahan niya ang mamamayang Pilipino sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Siya rin ang magiging abala sa tradisyunal na Vin d’Honneur (Wine of Honor) sa Palasyo upang ipagdiwang ang okasyon kasama ang mga opisyal ng gobyerno at ang mga kasapi ng diplomatic corps.

Nag-organisa rin ng job fair ang Department of Labor and Employment, may Diskwento Caravan ang Department of Trade and Industry, at may libreng medical at dental mission ang Department of Health sa Rizal Park. Magsasagawa naman ang Philippine Information Agency ng mga tour sa Pasig River at Escolta sa Maynila. Magdaraos ang Philippine Historical Association ng colloquium sa Bulwagang Bonifacio sa PUP, Sta. Mesa, Maynila. Sa Bonifacio Global City, magsasagawa ng Colors of Freedom afro run at flag mob. Maraming iba pang mga siyudad at bayan ang magdaraos ng kani-kanilang runs-for-a-cause, hataw/zumba exercises, flag raising, at pag-awit ng Lupang Hinirang.

Sa ibang bansa, nag-organisa ng selebrasyon ang mga komunidad ng Pilipino. Ang Kalayaan SF ay serye ng mga aktibidad sa San Francisco, California, sa Hunyo na inorganisa ng Filipino-American community sa Bay Area sa Philippine Consulate General. Magbibigay naman ng malaking pista ang Filipino community , na magtatampok sa Philippine jeepney bilang hari ng kalsada. Sa Vancouver, Canada, magbubukas ng art exhibit na “Harana, Serenading the Culture and Heritage of the Philippines,” na magtatampok sa mga obra ng mga Pinoy artist na nakabase sa Vancouver, gayundin ng Pista ng Bayan at Masskara festival.

Ang Kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga Kastila ay iprinoklama noong Hunyo 12, 1898 sa balkonahe ng tahnan ni Heneral Emilio F. Aguinaldo sa Kawit, Cavite, at binasa ang “Act of the Declaration of Independence.” Sa makasaysayang pangyayari na ito unang itinaas ang Pambansang Watawat ng Pilipinas na ginawa ni Marcela Agoncillo, at unang inawit ang pambansang awit, ang Lupang Hinirang, na likha ni Julian Felipe.

Isinuko ng Spain ang Pilipinas sa nited States sa bisa ng 1898 Treaty of Paris. Hindi kinilala ng Rebolusyonaryong Gobyerno ng Pilipinas, na pinangungunahan ni Heneral Aguinaldo, ang nasabing tratado. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, iginawad ng Amerika sa Pilipinas ang kalayaan nito noong Hulyo 4, 1944, sa Treaty of Manila.

Ang Hulyo 4 ay ipinagdiriwang sa Pilipinas bilang Araw ng Kalayaan hanggang noong Agosto 4, 1964 ay nilagdaan ni Pangulong Diosdado P. Macapagal para maging batas ang Republic Act 4166 na nagtatakda sa Hunyo 12 bilang ang Araw ng Kalayaan ng bansa, “to recall the heroes of the revolution against Spain and their acts of sublime heroism and martyrdom.”