Nakalabas na si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa Makati Medical Center.
Ito ang kinumpirma ng kanyang staff sa Senado sa pamamagitan ng email na ipinamahagi sa media.
Matatandaang tumakbo si Santiago sa pagkapangulo nitong nakaraang May 9 elections sa kabila ng kanyang pakikibaka sa stage 4 lung cancer.
Isinugod ang senadora sa MMC nitong Mayo 30 dahil sa pulmonya na dulot ng kumplikasyon sa cancer.
Nagtagal ng halos dalawang araw ang beteranong mambabatas sa intensive care unit (ICU) ng naturang ospital.
At nang bumuti ang kanyang kalagayan matapos ang tatlong araw, inilipat din si Santiago sa isang pribadong silid sa MMC.
Magtatapos ang termino ni Santiago bilang senador sa Hunyo 30.
Sa kanyang unang statement, pinasalamatan ni Santiago ang kanyang mga tagasuporta, kabilang ang netizens na bumati sa kanya sa social media, partikular sa Facebook at Twitter.
Kapag mas bumuti pa ang kanyang kalusugan, nangako si Santiago na ipagpapatuloy nito ang kanyang adbokasiya na linisin ang gobyerno laban sa katiwalian. (Hannah L. Torregoza)