MATAGUMPAY na naidaos nitong Hunyo 4 ang victory at thanksgiving party ni President-elect Digong Duterte sa Crocodile Park sa Davao City. Umabot sa mahigit 180,000 katao ang dumalo na natapos dakong 3:00 na ng madaling-araw.
Bagamat umulan, ang mga dumalong supporter ni President-elect Duterte at ang mamamayan ng Davao City ay hindi natinag o umalis. Hinintay nilang matapos ang programa at marinig ang talumpati ng machong mayor ng Davao City na sa Hunyo 30 ay manunumpa na bilang bagong Pangulo ng iniibig nating Pilipinas.
Sa bahagi ng talumpati ni President-elect Duterte, isa sa hindi malilimot ng mga nakarinig ay ang muling pagbibigay-diin niya sa kanyang kampanya, layunin at misyon laban sa corruption, illegal drugs at kriminalidad kapag nanungkulan na siya sa Hunyo 30.
Mariin ang pagkakasabi ni Duterte na kailangang matigil na ang corruption. Kasabay nito ang kanyang hiling na mag-resign na ang tatlong police general na sangkot sa illegal drugs, at nakabase sa Camp Crame sa headquarters ng Philippine National Police (PNP). Idinagdagdag pa niya na huwag nang hintayin na kanyang pangalanan sa publiko ang tatlong police general sapagkat mapapahiya lamang sila. Ang paratang sa tatlong police general ay itinanggi naman ng tambolero o tagapagsalita ng PNP.
Binanggit din ni President-elect Duterte na sa oras na siya’y manungkulang Pangulo, rerepasuhin niya ang ang mga na-dismiss na kaso ng mga opisyal at tauhan ng PNP sapagkat karamihan umano sa mga tiwaling opisyal ng pulisya ay nakapagpapatuloy sa kanilang mga gawain, dahil ang mga complainant at saksi laban sa kanila, kung hindi man nagtatago na ay nawala na o kaya naman ay binayaran.
Sa kampanya laban sa illegal drus, ipinahayag ng incoming president na kailangang matigil na ang paglaganap ng shabu. Hiniling na magbago na ang mga pulis na sangkot sa droga dahil kung hindi sila mapapatay ay kanya raw ipapapatay. Hindi siya nagbibiro.
Bukod dito, tiniyak din ni President-elect Duterte na magbibigay siya ng pabuyang P5 milyon sa bawat drug dealer na mapapatay, at P2.99 milyon sa drug lord na mahuhuling buhay. May 200 drug lord sa bansa.
Ang babala sa mga pulis na sangkot sa droga ay makapanindig-balahibo. Marami tayong kababayan na nagsabing ang mga pulis na sangkot sa droga, kahit anong tapang at kapal ng mukha, ay maaaring umahon ang bayag sa lalamunan dahil sa takot. Nenerbiyusin naman ang mga drug lord.
Isang katotohanan na masasabing open secret, na kaya hindi masugpo ang ilegal na droga sa bansa dahil may proteksiyon ang mga drug lord mula sa ilang tiwali sa pulisya. Ningas-kugon ang kampanya at raid-katol ang pagsalakay sa mga drug den, palibhasa’y kumikita sila ng limpak na salapi. Walang pakialam kahit masira ang imahe ng PNP dahil sa kanilang katarantaduhan.
Maghihintay ang sambayanang Pilipino sa gagawing pagsugpo sa illegal drugs ng incoming President ng inibig nating Pilipinas. Kasama sa kanilang dasal ang tagumpay ng kampanya kontra-droga. (Clemen Bautista)