Positibo si Senior Deputy Minority Leader at Bayan Muna Party-list Rep. Neri Colmenares na may natitira pang pag-asa upang mapawalang-bisa ang presidential veto sa P2,000 dagdag sa pensiyon ng 2.15 milyong kasapi ng Social Security System (SSS), sa huling sesyon ng Mababang Kapulungan ngayong Lunes.

Hinimok ni Colmenares ang mga kapwa niya kongresista na dumalo sa huling sesyon sa Kamara ngayong Lunes upang magkaisa silang pawalang-bisa ang pagbasura ni Pangulong Aquino sa SSS pension hike bill.

“Yes, there is a chance to override the presidential veto. I don't know if there will be two thirds quorum so I don't know what the result is. But, I will file the motion on June 6, hoping there will be more than 192 congressmen present in our last day of session,” sinabi ni Colmenares, pangunahing may akda ng kontrobersiyal na panukala.

Sinabi ni Colmenares na kung nais ng mga kapwa niya kongresista na mag-iwan ng pamana sa 16th Congress, dapat silang magtulung-tulong upang pawalang-bisa ang presidential veto sa panukala sa dagdag-pensiyon.

Eleksyon

Mayor Honey Lacuna, inisyuhan din ng show-cause order dahil sa umano’y vote-buying, ASR

Aniya, may 120 mambabatas ang lumagda sa kanyang petisyon upang pawalang-bisa ang presidential veto. Sa Senado, 11 senador ang sumuporta sa kaparehong mosyon ni Senator Francis Escudero.

Buo rin ang pag-asa ni Colmenares na ipagkakaloob ni President-elect Rodrigo Duterte ang “full support” nito sa kanyang isinusulong, na determinado siyang ihain ngayong Lunes.

Upang mapawalang-bisa ang presidential veto, kailangan ang two-thirds ng mga boto ng dalawang kapulungan; 192 sa Kamara at 16 sa Senado.

Matatandaang ibinasura ni Pangulong Aquino ang panukalang dagdagan ang pensiyon ng mga miyembro ng SSS dahil maaari umano itong magbunsod ng pagkabangkarote ng ahensiya makalipas ang ilang taon. - Charissa M. Luci