VATICAN CITY (AFP) – Maaari na ngayong sibakin sa tungkulin ang mga obispo na nagpabaya sa mga kaso ng pang-aabuso ng mga pari sa mga bata, ayon kay Pope Francis.

Inihayag ang hakbangin dalawang linggo matapos na mapagitna sa kontrobersiya ang Santo Papa sa pakikipagpulong sa pangunahing cardinal sa France na akusado sa pagbibigay ng proteksiyon sa isang paring sangkot sa pedopilya, sa eskandalong yumanig sa Simbahang Katoliko sa France.

Ang desisyon, na ipatutupad din sa iba pang matataas na opisyal ng Simbahan, ay nakasaad sa isang papal decree na nagsasabing ang mga ganitong kaso ay sasaklawin na ng umiiral na canon law na nagpapahintulot sa pagsibak sa tungkulin sa mga obispo dahil sa “serious reasons”.

“The Church, like a loving mother, loves all her children, but treats and protects with special affection the smallest and most helpless,” saad sa papal decree.

Internasyonal

Katy Perry, pumunta sa outer space kasama ng iba pang all-female crew

Simula nang maluklok sa puwesto, ipinangako ni Pope Francis na tutuldukan niya ang mga cover-up sa pagkakasala ng mga pari at hindi kailanman kukunsintihin ang pang-aabuso, ngunit nagpahayag ng pagkadismaya ang grupo ng mga biktima sa hindi mawala-walang bahid ng pedopilya sa ilan sa kaparian.

Tinatawag na Apostolic letter, binigyang-diin dito ang pangangailangan para sa “special diligence” sa pangangalaga sa mga menor de edad at iba pang nangangailangan, at ang mga nagpamalas ng kapabayaan sa pagharap sa mga kaso ng pang-aabuso ay nanganganib na masibak sa serbisyo.

Dapat na ipinapairal ang hustisya para sa sinumang nabiktima, laban sa sinumang nambiktima “without grave moral culpability” sa panig ng sangkot na obispo, paliwanag naman ni Vatican Spokesman Federico Lombardi.

“For removal from office, in the case of abuse of minors, it is 'sufficient for the lack of diligence to be grave' while in other cases a 'very grave' lack of diligence must be demonstrated,” dagdag ni Lombardi.

Magiging epektibo ang dekrito sa Setyembre 5, ayon pa kay Lombardi.