Ni YAS D. OCAMPO

DAVAO CITY – Plano ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na isahimpapawid sa buong bansa ang Gikan sa Masa, Para sa Masa, television program ni president-elect Rodrigo Duterte na naging patok noong siya’y nanunungkulan bilang alkalde ng siyudad na ito.

Sinabi ni incoming Presidential Communications Secretary Martin Andanar na ang naturang programang pangtelebisyon ay isa sa mga plano ng administrasyong Duterte.

Bagamat hindi pa ibinibigay ang detalye kung ito ay ieere ng live o recorded programming tulad ng mga nakaraang episode ng Gikan sa Masa, Para sa Masa show ni Duterte.

Trending

Proud mom na ‘umawra, rumampa’ sa graduation ng anak, dinagsa ng tulong!

Aniya, hindi naging balakid ang mga masamang salita na binitiwan ni Duterte sa mga nakaraang episode ng programa dahil ang mga ito ay tinabunan ng “bleep” ng program producer.

Ayon kay Andanar, naging patok ang lingguhang TV program ni Duterte dahil dito niya napupulsuhan ang mga pangangailangan ng masa.

Samantala, nanawagan si Andanar sa media na tumulong sa kanilang ahensiya upang “maunawaan” ng publiko ang pagkatao ng president-elect.

Inihayag din ng opisyal na binabalangkas na ng PCOO ang isang national communications strategy, sa tulong ni outgoing Secretary Herminio Coloma Jr. upang mapamahagi ang mahahalagang programa ng susunod na administrasyon.

Ikinagalak naman ni Andanar ang pagkakasama sa kanya sa Gabinete ni Duterte.

“I am happy to serve the mayor, I cannot say no to the mayor, and I cannot say no to the public,” pahayag ni Andanar, isa ring TV personality, sa media.