Isasalang na sa drug test ang mga tauhan ng towing service company bilang bahagi ng re-assessment sa kanilang serbisyo kasunod ng patung-patong na reklamo ng mga motorista laban sa kanila, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi ni Victor Nuñez, pinuno ng MMDA Towing Group, na isasagawa ang drug test sa Hunyo para sa 270 tauhan ng ahensiya matapos silang dumalo sa seminar at training sa tamang proseso ng towing sa mga tumirik na sasakyan.
Ang mga magpopositibo sa drug test ay awtomatikong pagbabawalan na makibahagi sa towing service, aniya.
“We will conduct the test at Ultra in Pasig. All towing crew and liaison officers, it’s a mandatory test because some personnel are allegedly involved in extorting money for drug use,” pahayag ni Nuñez.
Aniya, umabot sa 78 tauhan ng MMDA ang nasibak sa serbisyo matapos mapatunayang positibo sa paggamit ng ilegal na droga sa isinagawang random drug test simula Hunyo 2015 hanggang Enero ng kasalukuyang taon.
Matapos sumailalim sa seminar, sinabi ni Nuñez na isasalang din sa eksaminasyon ang kanilang mga tauhan na dapat nilang ipasa ng “100 porsiyento.”
Sa kasalukuyan, nasa 35 ang accredited towing company at 140 tow truck sa Metro Manila. (Anna Liza Villas-Alavaren)