Mga pasa sa mukha at katawan ang inabot ng isang security guard matapos kuyugin ng 12 menor-de-edad at agawan pa ng baril sa binabantayan nitong holding center sa Caloocan City, noong Miyerkules ng gabi.
Hindi nakapalag si Reymart Cabagulay, 42, nang pagtulungan siya ng mga kabataan habang nakaposte sa Yakap Holding Center sa Phase 8, Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Naagaw sa kanya ang kanyang .9mm service pistol, ayon sa ulat.
Kuwento ng sekyu, bandang 7:00 ng gabi nang bigla siyang lusubin ng kabataan.
Matapos disarmahan, nagtangka pang tumakas ang mga menor-de-edad pero matapos ang ilang minuto ay nakorner din sila ng mga nagrespondeng pulis.
Karamihan ng nasa Yakap Holding Center ay may kasong robbery.
Sinibak ng pamunuan ng holding center sa puwesto si Cabagulay dahil sa kapabayaan sa trabaho. (Orly L. Barcala)