Dalawang pinaghihinalaang miyembro ng isang kilabot na sindikato ng droga ang napatay habang nakatakas ang isa nilang kasamahan sa isinagawang buy–bust operation ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa Novaliches, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Supt. Enrico Figueroa, hepe ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) ng QCPD, ang mga napatay na sina Ernesto Locsin, alyas “Toto”; at isang alyas “Boboy.”

Sinabi ni Figueroa na ang mga suspek ay miyembro ng kilabot na “Joselito drug syndicate” na responsable sa bentahan ng shabu sa Metro Manila.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), dakong 2:30 ng umaga nang mangyari ang engkuwentro sa Quirino Highway sa Barangay Sacred Heart, Novaliches .

Eleksyon

Comelec, ‘di raw makapag-desisyon sa kapalaran ng Duterte Youth Party-list: ‘Komplikado!’

Una rito, tinangay ng mga suspek ang Marta Marie taxi (UVS-705), at agad namang rumadyo sa DAID ang QCPD-PS4.

Hinabol ng mobile patrol at nasukol ang mga suspek sa may Bgy. Sacred Heart subalit nanlaban kaya pinatukan sila ng mga pulis.

Matapos ang ilang minutong palitan ng putok, bumulagta ang dalawa sa mga suspek ngunit nakatakas ang isa nilang kasamahan.

Nakumpiska sa mga napatay ang dalawang sachet ng shabu, mga notebook, drug paraphernalia, dalawang baril, at P3,000 drug money. (Jun Fabon)