Patay ang isang alyas “Barabas”, na bilanggo sa Makati City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City, matapos mapuruhan nang suntukin ng kanyang kakosa sa loob ng pasilidad, nitong Sabado.
Hindi na umabot nang buhay sa Taguig-Pateros District Hospital si Rizaldy Rivera, alyas “Barabas”, na nakakulong dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Law.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad upang matukoy kung ano ang ugat ng suntukan ng dalawang preso.
Sa ulat ng Southern Police District (SPD), dakong 8:57 ng umaga nang upakan ang biktima ng kanyang kasamang inmate sa Cell No. 4 na nasa ikalawang palapag ng Makati City Jail-Annex sa Camp Bagong Diwa.
Nagtamo ng matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at dinala ng mga jail guard sa naturang pagamutan subalit nalagutan din ng hininga makalipas ang ilang oras.
Nakalagak ang labi ng biktima sa Loreto Funeral Homes upang sumailalim sa awtopsiya. - Bella Gamotea