Wala munang maririnig na kritisismo laban kay incoming President Rodrigo Duterte mula kay Pangulong Aquino sa loob ng isang taon.

Dahil sa kanyang pagmamahal sa bansa, sinabi ni Aquino na pagkakalooban niya si Duterte ng isang taong “honeymoon period” upang makabuwelo sa pamumuno sa bansa sa unang taon nito sa Malacañang.

Magtatapos ang anim na taong termino ni Aquino sa Hunyo 30, at aniya, makabubuti sa bansa kung bibigyan ng lahat ng pagkakataon ang susunod na administrasyon na mamuno.

“We are all patriots. It’s in our interest to help you,” pahayag ng Pangulo sa panayam ng The Wall Street Journal.

Probinsya

Nasa 4,000 mga labi, apektado ng konstruksyon sa isang sementeryo sa Cebu

“Actually, I think I’m violating my self-imposed rule that I will keep my mouth quiet at least for a year cause I’d like to afford him that which wasn’t afforded to me where I was nitpicked and criticized even before I stepped into office,” dagdag ni Aquino.

Umaasa pa rin ang Pangulo na gagawin ni Duterte ang lahat ng tama at nararapat upang patuloy itong suportahan ng mamamayan.

At hanggang itinataguyod ni Duterte ang kapakanan ng mga Pinoy, tiniyak ni Aquino na hindi niya makababangga ang bagong leader ng bansa.

Ito ay sa kabila ng ikinampanya ni PNoy sa mga botante na huwag iboto si Duterte bago ang halalan nitong Mayo 9 dahil sa posibilidad na maging diktador ito.

Ito ay matapos ipangako ni Duterte, na nagsilbing alkalde ng Davao City ng mahabang panahon, na gagamit siya ng “kamay na bakal” upang matuldukan ang pamamayagpag ng mga kriminal, sindikato sa droga at tiwaling opisyal sa gobyerno na umani ng suporta ng mga botante.