EKSKLUSIBONG makakapanayam ni Jessica Soho si President-elect Rodrigo Duterte ngayong gabi sa Kapuso Mo, Jessica Soho.
Sasagutin ni Digong ang maiinit na isyung kinakaharap niya ngayong nakatakda na siyang maging ika-16 na pangulo ng Pilipinas. Abangan kung ano ang magiging reaksiyon niya kapag ipinabasa sa kanya ang ilang “Anti-Dutertweets” na umaalma sa estilo ng kanyang pamumuno at pumupuna sa kanyang pagkatao?
Nakapanayam din ng KMJS ang batikang photojournalist na si Rene Lumawag na nalitratuhan ang ilang dekadang karera ni Duterte sa pulitika. At si Rene, may simpleng handog sa susunod nating presidente: ang pinakaiingat-ingatan niyang litrato ni Digong kasama ang ina nito na si Gng. Soledad.
Samantala, itinuturing na ring sports ngayon ang pagpo-pole dancing. Sa katunayan, sa katatapos lang ng Pole Dance Challenge 2016 na ginanap sa Singapore, dinaig ng mga Pinay na sina Kristel de Catalina at Jamaica Jornacion ang mga kinatawan ng iba’t ibang bansa. Abangan kung sino ang celebrity na makikipagsabayan sa pole dancing queens sa pagsasayaw at paggawa ng kung anu-anong stunts habang bumabale-balentong sa mga pole.
Malaking eskandalo sa Sapian, Capiz ang nangyari kamakailan sa isang kasal. Habang papatapos na kasi ang reception, ang bride na suut-suot pa ang damit pangkasal ay bigla na lamang diumanong sumama sa lalaking nakamotor na kolektor ng isang lending company. Ano nga ba ang katotohanan sa likod ng pinag-uusapan ngayong runaway bride ng Capiz?
Abangan ito at ang iba pang mga kuwento ngayong gabi sa Kapuso Mo, Jessica Soho, pagkatapos ng Ismol Family sa GMA-7.