Hindi umubra ang bilis sa pagtakbo ng isang miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik matapos siyang makorner ng mga pulis na rumesponde makaraan niyang holdapin ang isang pampasaherong jeep sa Sta. Cruz, Manila, nitong Huwebes ng gabi.

Kulungan ang binagsakan ni Joey Jimenez, 37, ng 2527 Leonor Street, Sta. Cruz, Manila, matapos tangayin ang cell phone ni Johngard Jetajobe, 20 anyos.

Sakay si Jetajobe sa pampasaherong jeep na pag-aari ng kanyang kaibigan na si Ferdinand Molina nang sumakay si Jimenez sa panulukan ng Blumentritt Street at Aurora Blvd., dakong 11:30 ng gabi nitong Huwebes.

Matapos ang ilang minuto, bumunot si Jimenez ng patalim at itinutok sa leeg ni Jetajobe kasabay ng pagdedeklara ng holdap.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Hindi na nakapalag sa Jetajobe at agad na ibinigay ang kanyang Samsung Duo cell phone na nagkakahalaga ng P4,500.

Nang makuha ang cell phone ng biktima, tumalon sa jeep si Jimenez sa isang madilim lugar sa kanyang pagtakas.

Mabilis na nakahingi ng tulong si Jetajobe sa Blumentritt Police Community Precinct kaya agad na natukoy ang pinagtataguan ni Jimenez na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto. (Analou de Vera)