Mananatili si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada bilang alkalde ng Maynila matapos na magwagi sa katatapos na lokal na halalan sa siyudad nitong Lunes.

Bago mag-2:00 ng hapon kahapon ay pormal nang iprinoklama ng Manila City Board of Canvassers si Estrada, gayundin ang kanyang ka-tandem na si Honey Lacuna, na nagwagi naman bilang bagong bise alkalde ng lungsod.

Dakong 12:00 ng tanghali nang dumating sina Estrada at Lacuna sa Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Maynila, na roon isinagawa ang canvassing ng mga boto, upang antabayanan ang kanilang proklamasyon.

Sa botong 283,149, o lamang ng 2,685 boto, ay muling tinalo ni Estrada si Lim na nakakuha naman ng 280,464.

Probinsya

Nasa 4,000 mga labi, apektado ng konstruksyon sa isang sementeryo sa Cebu

Nakakuha naman ang kanilang katunggali na si Congressman Amado Bagatsing ng 167,829 na boto.

Maaga namang tinanggap ni Bagatsing ang kanyang pagkatalo at nag-concede kaagad kahapon ng umaga, bago pa man matapos ang bilangan.

Hindi naman kaagad na nawalan ng pag-asa si Lim na makakabalik sa puwesto dahil sa liit lamang ng lamang sa kanya ni Estrada.

Tinalo naman ni Lacuna, na anak ni dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna, sa botohan sina Konsehal Ali Atienza at Congressman Benjamin “Atong” Asilo.

Sa final tally, nakakuha si Lacuna ng 268,969 na boto, habang nakakuha naman si Atienza ng botong 221,032, at 137,388 na boto naman ang nakuha ni Asilo. (Mary Ann Santiago)