Inaresto ng mga tauhan ng Muntinlupa City Police ang pitong miyembro ng media na nagpapakalat ng “black propaganda” laban sa isang kandidato sa lungsod, kahapon ng umaga.

Nasa kustodiya ng pulisya ang mga nagpakilalang media na sina Sufemio Reynaldo, Robert Andrew Ilagan, Lemuel de Luna, Michael Madarang, Rolando Manalo, Aldwin Bunye, at Robert Apostol na posibleng maharap sa kasong libelo at paglabag sa Omnibus Election Code.

Ayon kay Muntinlupa City Police chief Senior Supt. Nicholas Salvador, pasado 3:00 ng umaga nang imbitahan ng mga pulis ang pitong indibiduwal na nagpakilalang “media” sa Southville 3, NHA Poblacion.

Unang nakatanggap ng tawag ang pulisya mula sa mga supporter ng isang pulitiko sa lugar kaugnay ng pagtatapon sa lungsod ng mga papel na kontra sa isang kandidato ng mga lalaking sakay sa puting Nissan Urvan (AAN-9044).

Politics

Barbers, 'di sang-ayon sa pahayag ni Tiangco tungkol sa pagkatalo ng Alyansa: 'Misleading!'

Pinigil ng mga tao ang naturang sasakyan at agad na itinawag sa awtoridad, at narekober ang ilang T-shirt na may tatak na “Media” at “Bantay Halalan” at isang garbage bag na puno ng black propaganda material.

Sa pulisya, inamin ng mga ito ang pagpapakalat ng nasabing black proganda laban sa isang kandidato subalit tumanggi ang mga ito na ihayag kung kaninong partido sila nakaanib. - Bella Gamotea