Kinasuhan sa Sandiganbayan si dating Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima, ang sinibak na si Chief Supt. Raul Petrasanta, at 14 na iba pa dahil sa pagkakasangkot sa anomalya sa courier service.

Naghain ang Office of the Ombudsman ng paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) laban sa 16 na indibiduwal.

Bukod kina Purisima at Petrasanta, kinasuhan din ang mga opisyal ng PNP na sina Napoleon Estilles, Allan Parreno, Eduardo Acierto, Melchor Reyes, Lenbell Fabia, Sonia Calixto, Nelson Bautista, at Ricardo Zapata, Jr.

Nahaharap din sa kaparehong kaso ang mga opisyal ng Werfast Documentation Agency, Inc., kabilang sina Ford Tuason, Mario Juan, Salud Bautista, Enrique Valerio, Lorna Perena, at Juliana Pasia.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nag-ugat ang kaso nang gawing mandatory ng PNP ang pagpapadala ng mga lisensiya ng baril sa pamamagitan ng koreo at noong 2011 ay ibinigay sa Werfast ang kasunduan para magkaloob ng courier services sa lahat ng aplikasyon sa firearms license.

Gayunman, iginiit ng Ombudsman na natuklasang nabigo ang Werfast na makatupad sa mga regulasyon ng gobyerno sa serbisyo ng koreo, gaya ng pagpaparehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC), awtorisasyon mula sa Department of Transportation and Communications (DoTC), accreditation mula sa Department of Science and Technology (DoST), at pagtalima sa PNP criteria sa akreditasyon. (Jeffrey G. Damicog)