CEBU CITY – Isang araw bago ang Araw ng mga Ina, nasawi ang isang 22-anyos na ginang, ang tatlo niyang anak, at tatlong iba pa, sa sunog na tumupok sa isang residential area sa Cebu City, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa mga opisyal ng Cebu City Fire Department, ipinamalas ni Cindy Galvan ang lubos na pagmamahal sa kanyang tatlong anak na sina Rexen, apat na taong gulang; Star, dalawang taong gulang; at tatlong buwang si Cendrix nang yakapin niya ang mga ito habang sila’y nakasiksik sa isang sulok ng kanilang bahay sa kasagsagan ng sunog.
Kahapon ng umaga na nakatagpuan ang sunog na bangkay ng mag-iina.
Yakap-yakap pa ni Cindy ang bangkay ng kanyang bunsong anak nang marekober ang kanyang labi, habang nasa tabi niya sina Rexen at Star na kapwa natusta rin sa trahedya.
Patay din sa sunog ang mag-asawang Maximo at Rose Villafuerte at ang kanilang babaeng apo.
Sinabi ng mga residente sa lugar na walang kuryente ang bahay ng mga Villafuerte at gumagamit lamang ang mga ito ng lampara na posibleng pinagmulan ng sunog. (Mars W. Mosqueda, Jr.)