Muling umapela ang isang environmental group na iwasan ang pagkakalat ng basura sa kasagsagan ng paghahanda ng iba’t ibang partido pulitikal kaugnay ng kani-kanilang miting de avance bukas, ang huling araw ng campaign period.

Sa layuning mahimok ang mga partido pulitikal at mga tagasuporta ng mga ito laban sa pagkakalat ng basura, nanawagan ang EcoWaste Coalition sa mga rally organizer na tiyaking hindi makalat ang pagtatapos ng kani-kanilang pangangampanya.

”It’s ok for your supporters to come in full force, but please ask everyone to mind their trash and to keep rally sites litter-free,” sabi ni Aileen Lucero, coordinator ng EcoWaste Coalition.

Apela ng grupong nakabase sa Quezon City, huwag namang gawing “black Saturday” ang Mayo 7 para sa Inang Kalikasan dahil sa hindi mapigilang pagkakalat, na para bang okay lang na tambakan ng basura ang mga kalsada.

National

De Lima, proud kay Kathryn sa HLA; ibinahagi larawan kasama standee niya noong 2022

Ayon kay Lucero, karaniwan nang naiiwan ang sangkatutak na campaign leaflets, posters, nilagyan ng pagkain at inumin, tirang pagkain, mga plastic bag at upos ng sigarilyo sa mga pinagdausan ng miting de avance.

Kaugnay nito, pinayuhan ng EcoWaste ang mga rally organizer na: 1) Paalalahanan ang mga dadalo sa miting de avance na huwag magkakalat o mag-iiwan ng basura; 2) Hilingin sa mga dadalo na iwasang magdala ng disposable food at beverage; 3) Istriktong ipatupad ang pagbabawal sa pagkakalat at pagsusunog alinsunod sa Ecological Solid Waste Management Act; 4) Iwasan ang pagpapaputok o fireworks, paghahagis ng confetti, at pagpapakawala ng mga lobo at sky lanterns; 5) Magtalaga ng sapat na dami ng eco-volunteers na maglilinis pagkatapos ng miting de avance.

(CHITO CHAVEZ)