Magkakaharap ang pinakamagagaling na beach volleyball players sa bansa, kabilang ang pinakabeterano at pinakamaraming naiuwing titulo na si Jovelyn Gonzaga, sa pagsagupa sa pinakamatindi nitong laban sa paglahok sa 2016 Philippine Superliga (PSL) Challenge Cup beach volleyball tournament sa Sabado, sa Sands SM By the Bay sa Mall of Asia.
Ang dating miyembro ng national team na hindi pa nabibigo sa malalaking torneo sa beach volley na si Gonzaga ay makikipagpareha sa isa pang subok sa labanan na si Nerissa Bautista para sa RC Cola-Army sa ikalawang edisyon ng torneo na suportado ng SM By the Bay, Petron, Foton, Accel, Mikasa, Senoh at Island Rose.
Bagaman sariwa pa sa dalawang linggong pahinga, aminado ang magandang si Gonzaga na dadaan sa mahirap na kampanya bunga ng matinding listahan ng mga kalaban na inaasahang hindi rin magpapatalo sa kanilang husay at talento.
"It will be a very tough battle," sabi ni Gonzaga, na nagsimulang kumulekta ng korona sa beach volley para sa Central Philippines University (CPU) noong 2009 sa ib’t ibang torneo sa Boracay.
"Nakikita natin na hindi basta-basta ang mga teams. And we need to work double-time because we just came from a two-week break, so hindi talaga sya madali. All teams are very strong," sabi pa nito.
Tinukoy nito mismo ang tinik sa kanilang daan na Foton at F2 Logistics.
Ito ay dahil ipaparada ng Toplander ang kapwa sanay na sa buhanginan na sina Cherry Rondina na sariwa pa sa pagwawagi sa isang liga sa Boracy at ang naglaro din nakaraang taon na si Patty Orendain.
Ang Cargo Movers ay irerepresenta ng isa sa miyembro ng tinanghal na kampeon na si Danika Gendrauli na makakapares sa unang pagkakataon si Aby Marano na agad nakadama ng matinding pressure sa pagtukoy sa pinakamatindi at pinakaseryosong laban sa kanyang nagsisimula na beach volley career.
“Ang laki ng pressure, especially since most of them are beach volleyball players talaga,” sabi ni Marano.
“But since I’m teaming up with Danika, tinuturuan niya ako ng mga technique t nandun ang confidence ko na kaya nya akong madala as a teammate.”
Ang kapareha ni Gendrauli sa pagwawagi nito sa korona nakaraang taon na si Norie Jane Diaz ay bibitbitin na ang Philippine Navy kapareha ni Pau Soriano, habang sasabak para sa Petron XCS ang pares nina Sheila Pineda at Aiza Maizo-Pontillas na inaasahang magpapainit sa apat na linggong torneo na tinagurian na wide-open race at walang clear-cut favorite.
Ang iba pa na kasali ay sina Florence Madulid at Pauline Genido sa Philippine Navy-B; Maica Morada at Ces Molina sa Petron Sprint 4T; Vhima Condada at Mary Grace Berte sa Cignal Team Awesome; Jeannie Delos Reyes at Genie Sabas sa RC Cola-Army-B. (Angie Oredo)