Inaasahan ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na magdedesisyon si eight-division world champion at Sarangani Representative Manny Pacquiao hinggil sa kanyang pagsabak sa Rio Olympics pagkatapos ng eleksiyon sa Mayo 9.

Ito ang sinabi ni ABAP Executive Director Ed Picson kung saan idinagdag nito na isinaisantabi na nila ang nais na pagsasanay sa Cuba at magtutungo na lamang sa Estados Unidos para sa kanilang paghahanda sa kampanya sa Rio De Janeiro Olympics sa Agosto 5 hanggang 21.

“Medyo mahirap kasi sa Cuba dahil gobyerno ang lagi mong kausap at matagal ang proseso. Isa pa din ay alam naman natin na contender din sila sa gold medal kaya asahan mo na hindi nila ibibigay lahat o hindi mo makukuha ang gusto mong training. Baka ma-scout pa tayo,” sabi ni Picson.

Optimistiko naman si Picson na makakakuha ng matinding pagsasanay sa US dahil sa maraming training facility at marami lugar na mapagpipilian ang koponan para makahanap ng kanilang sparring at magsagawa ng kanilang training camp at puspusang programa.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

“Maitatago natin ang training ng mga bata natin doon dahil marami talaga na mga boxing gym,” sabi ni Picson, na kinuha ang serbisyo ni Nonito Donaire Sr., ama ng world bantamweight champion na si Nonito Jr. bilang trainer at consultant ng koponan.

Iginiit ni Picson na mahaba pa ang panahon para makapaghanda nina Rio Olympics qualifier Charly Suarez at Rogen Ladon.

“Nakipag-sparring kami sa Cebu lately labas sa mga mas matatangkad at mabibilis na kalaban para masanay sila Charly at Rogen sa matangkad na kalaban pagdating sa Olympics,” pahayag ni coach Nolito “Boy” Velasco.

Nakatakda pang sumali ang Pilipinas sa huling dalawang Olympic qualifying tournaments bago magdesisyon kung saan magtutungo para sa kanilang training camp.

Nakatakda ang women’s qualifier sa Kazakhstan sa May 16 at ang final qualifier para sa men’s division ay sa Azerbaijan sa June 14.

Sasabak si Nesthy Petecio sa 51 kg. sa pagnanais maging tanging babaeng boxer na kakatawan sa bansa sa Rio habang ang ibang magtatangka ay sina Roldan Boncales (52 kg), Mario Fernandez (56 kg), Dennis Galvan (64 kg) at Eumir Felix Marcial (69 kg).

Sakaling makumpirma ang desisyon ni Pacquaio ay sasagupa naman ito sa light welterweight kapantay ni Galvan.

(Angie Oredo)