Ang mga produkto ng Pilipinas, kabilang ang industrial goods, mga isda at iba pang marine products, ay makakapasok na sa European Free Trade Association (EFTA) States nang walang babayarang buwis matapos lagdaan ng dalawang partido ang free trade agreement (FTA).
“With the entry into force of the Agreement, the EFTA States abolish all customs duties on imports of industrial products, including fish and other marine products, originating in the Philippines,” pahayag ng EFTA.
Nitong Huwebes (Abril 28, 2016), nilagdaan ang EFTA-Philippines FTA sa Bern, Switzerland nina Trade Secretary Adrian S. Cristobal Jr., President of Swiss Confederation Johann N. Schneider-Amman, Iceland Ambassador Martin Eyjólfsson, Minister of Foreign Affairs of Liechtenstein Aurelia Frick, at State Secretary of Ministry of Trade, Industry and Fisheries of Norway Dilek Ayhan.
Kapalit nito, unti-unting aalisin ng Pilipinas ang customs duties sa industrial products, kabilang na ang mga isda at ibang marine products mula sa EFTA.
Palalakasin din ng EFTA-Philippines FTA ang kalakalan sa mga serbisyo kabilang na ang mga sektor ng finance, telecommunication, movement of natural persons, at maritime transport.
Sa ilalim ng FTA, nagkasundo ang dalawang panig na magtutulungan sa trade facilitation upang makasunod sa international standards at mataas na kalidad ng public service. (PNA)