Asahan ang mas matinding pagbusisi sa kakayahan at personalidad ng mga kandidato sa pagkapangulo sa ikatlo at huling presidential debate ng Commission Elections (Comelec), na idaraos sa Phinma University of Pangasinan sa Dagupan City sa Linggo.

Inorganisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), ABS-CBN, at Manila Bulletin, gagamit ng Town Hall format ang huling PiliPinas Debate sa halip na ang dati, na pinahihintulutang mag-react ang mga kandidato sa piling usapin, gaya ng napanood sa dalawang naunang debate.

Sa Town Hall format, publiko mismo ang magtatanong sa mga kandidato, ayon kay ABS-CBN Integrated News and Current Affairs head Ging Reyes.

Ang mga tanong ay halaw sa 1,319 na tugon na natanggap sa kampanyang “Halalan Hugot” ng ABS-CBN, na tinanong ang publiko ang mga usaping nais ng mga ito na tugunan ng mga kandidato.

National

Meralco, tapyas-singil sa kuryente ngayong Mayo

Bukod sa audience participation, sinabi ni Francis Toral, kinatawan ng ABS-CBN News Department, na mayroon ding bagong face-off segment, na pahihintulutan ang mga presidential bet na tanungin ang kapwa nila kandidato.

“Candidates will be allowed and asked to grill a fellow candidate premised on the question as a candidate and as a voter too... We really encourage the candidates to grill one another. And that is their chance to ask and know the stand of their fellow candidates,” ani Toral.

Eere simula 6:00 ng gabi hanggang 9:00 ng gabi, mapapanood nang live ang debate sa ABS-CBN at The Filipino Channel (TFC), at online, sa live streaming ng Manila Bulletin at ABS-CBN online. Hosted ito nina Karen Davila at Tony Velasquez. (Samuel P. Medenilla)