Iginiit ng isang ecological group na pangunahing karapatan ng tao ang magkaroon ng maayos na kapaligiran at nanawagan sa lahat ng kandidato sa halalan sa Mayo 9 na unahin sa kanilang mga plataporma ang mga isyu sa kalusugan at kapaligiran.
Binigyang diin ng Health Care Without Harm (HCWH)-Asia sa paggunita ng Earth Day, ang agarang pangangailangan para sa mga kandidato at sa mga mahahalal na opisyal, na harapin ang mahahalagang isyu sa kalusugan, mula sa mga epekto ng climate change hanggang sa lumalaking problema ng bansa sa basura.
“Social inequality continues to be one of the biggest issues in many Asian countries such as the Philippines, and this will only be aggravated as the effects of climate change worsen, damaging people’s livelihoods and more importantly, their health,” paliwanag ni Ramon San Pascual, HCWH-Asia Director.
Sinabi ni San Pascual na nasaksihan sa trahedya kamakailan sa Kidapawan na ang mga kawawang magsasaka ang pinakamahina sa mga epekto ng pagbabago ng panahon.
Tinukoy ng British health journal na The Lancet ang climate change na “the biggest global health threat of the 21st century.”
Ang HCWH-Asia, sa pamamagitan ng Healthy Energy Initiative campaign nito, ay aktibong kumikilos katuwang ang mga sektor ng kalusugan at enerhiya sa pagsusulong ng paglipat mula sa coal patungo sa renewable energy sources, sa ng pagbibigay-diin sa epekto sa kalusugan ng energy choices.
Nakikiisa ang Quezon City-based ecological organization sa iba pang health at environmental group sa pananawagan sa lahat ng kandidato na ipakita ang kanilang suporta para sa renewable energy sa pagharang sa pagtatayo ng mga karagdagang coal-fired power plants sa bansa. (CHITO A. CHAVEZ)