ISA ang tricycle sa mga pampublikong sasakyan na maituturing na matagal nang namamayagpag sa iba’ ibang panig ng bansa.
Madaling makumpuni, abot-kaya ang puhunan, madali at mura ang maintenance at patok pang-negosyo.
Maraming bagong sasakyan ang pasok sa kategoryang “MPV” o multi-purpose vehicle, subalit meron pa bang makatatalo sa tricycle kung pagiging multi-purpose ang pag-uusapan?
Sa umaga, makikita ninyong pinipilahan ang tricycle ng mga papasok sa trabaho o eskuwelahan. Sa tanghali, hanggang bubong ang kargang sako ng bigas o asukal para sa delivery service. At sa hapon, punumpuno ng paninda na ihahatid sa sari-sari store.
Ganito kumayod ang tricycle sa buhay ng mga Pinoy.
Kaya huwag na kayong magtaka kung bakit mistulang kabute na ang pagdami ng mga tricycle sa Pilipinas.
Tulad ng jeepney, na nagsimulang maging “Hari ng Kalsada” noon pang panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaidig, halos bawat kanto ay may makikita kang tricycle.
At kung ang jeepney ang “Hari ng Kalsada”, patok naman ang tricycle bilang “Prinsipe ng Kalsada”.
Bagamat walang air-conditioning system, maaliwalas ang pagsakay sa tricycle dahil wala itong pintuan.
Huwag lang kontratahin, mura ang pasahe rito.
Subalit may napansin si Boy Commute na nagiging uso ngayon sa mga tricycle: mababang sidecar.
Ginastusan ang mga palamuti, tulad ng stainless body, makukulay na sticker at malakas na sound system, pero hindi naman tinutustusan ng maraming operator ang pagiging kumportable at ligtas ng mga pasahero ng tricycle.
Walang seatbelt, walang pintuan, kaya kapag humahataw ay mapapa-rosaryo ka sa kaba.
Karaniwang pinupuno hanggang pito o walang pasahero, magugulat ang Guinness Book of World Records kung paano ito nagiging isang shuttle van kahit na maliit at punggok.
Nitong mga nakaraang taon, palala nang palala ang kalagayan ng mga pasahero ng tricycle.
Pababa nang pababa ang upuan. Kulang na lang ay alisin ang upuan para nakaluhod na lang ang pasahero.
Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang “i-lower” ang sidecar ng tricycle.
Ito ba’y may kinalaman sa body configuration upang maisalpak nang maayos sa motorsiklo? O hangad lang ng operator na magkaroon ng itsurang pangarera ito?
May suspetsa naman ang iba na sinasadya ito ng operator upang mababa ang upo ng kababaihan at madaling mabosohan.
Kung ganito ang labanan, wala pa lang pagkakaiba sa nasa utak ng isang presidentiable ang nasa isip ng tricycle driver at operator.
Sana’y hindi ito pinalusot ng gobyerno.
Sana’y matigil na itong ganitong disenyo ng mga tricycle. (ARIS R. ILAGAN)