Kritikal ang isang construction worker makaraang pagtatagain ng dalawa niyang kasamahan, matapos niyang sawayin ang dalawa sa pagkakamay sa kanilang pulutan sa Malabon City, nitong Lunes ng gabi.

Inoobserbahan sa Pagamutang Bayan ng Malabon si Maximiano Bisande, 42, ng Sitio Pilapil ng nasabing lungsod, dahil sa mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nahaharap naman sa kasong frustrated murder sina Rolando Peralta, 42; at isang alyas “Nonoy”, kapitbahay ng biktima.

Ayon sa report, dakong 9:00 ng gabi at nag-iinuman ang tatlo sa Sitio Pilapil sa Barangay Catmon, Malabon City.

National

Habagat, magpapaulan sa ilang bahagi ng bansa -- PAGASA

Nakita ni Bisande na kinakamay ng dalawa ang pulutan nilang adobong kambing, at napansin niyang kapwa marumi ang kamay ng kanyang mga kainuman.

Dahil dito, pinagsabihan ni Bisande ang dalawa na ikinagalit ng mga ito hanggang sa kumuha ng itak si Nonoy at pinagtataga ang biktima.

Sa halip na umawat si Peralta, inagaw nito ang itak sa kasamahan at siya naman ang tumaga kay Bisande.

(Orly L. Barcala)