Beyonce copy

NEW YORK (AFP) – Inihayag ni Beyoncé nitong Sabado na ipapalabas ngayong linggo ang kanyang televised project na may titulong Lemonade, kaya tumindi ang espekulasyon na magre-release ng “film-album” ang pop superstar.

Nag-post si Beyoncé sa Instagram ng maikling video na may titulong Lemonade at tinawag niya itong “world premiere event” na mapapanood sa cable network na HBO sa Sabado, Abril 23.

Cryptic ang kabuuan ng video, na isang babae ang bumubulong —tiyak na si Beyoncé — hanggang dahan-dahang bumangon na magulo ang buhok at nakasuot ng fur jacket ngunit hindi nasilayan ang mukha.

Mga Pagdiriwang

World Mental Health Day: Ano nga ba pinagkaiba ng Anxiety, Stress at Depression?

Mistulang kukumpirmahin ng video ang iniulat noong Pebrero ng fan site na The BeyHive na abala ang singer sa isang “album film.”

Kilala si Beyoncé sa mga sorpresang release, bukod pa sa madalas niyang tambalan ng visuals ang kanyang musika.

Disyembre 2013 nang i-release ni Beyoncé ang huling self-titled album niya, at wala itong announcement kaya labis na nagulat ang kanyang fans. Tinampukan ng serye ng short films ang kanyang musika.

Ang Beyoncé ang ikalimang solo studio album ng 34-anyos nang singer at ito rin ang pinakapersonal sa lahat; tinatampukan ng kanyang reflections sa pagiging ina at sa ilang hamon sa pagsasama nila ng asawang rap mogul na si Jay-Z.

Pebrero ngayong taon nang i-release ni Beyoncé ang awiting Formation, na ibang-iba ang tunog. Kasama ng awitin ang paglabas ng video tungkol sa lumalawak na Black Lives Matter movement laban sa pagiging marahas ng mga pulis.

Pinuri ng maraming aktibista at ng fans ni Beyoncé ang video, bagamat ikinagalit naman ng mga konserbatibo ang biglaang pagiging pulitikal ng singer.

Itinanghal ni Beyoncé ang Formation sa Super Bowl kamakailan, at inihayag doon ang pagsisimula ng kanyang Formation tour sa Abril 27—na nangangahulugan na posibleng isabay dito ang isang album release.