Ni REGGEE BONOAN

Dominic OchoaPARANG may children’s party sa Dolphy Theater noong Biyernes ng gabi nang ganapin ang advance screening ng pilot week ng Super D.

Kasama kasi ng buong cast ang kani-kanilang mga anak para panoorin ang ipinagmamalaking pambatang teleserye ng Dreamscape Entertainment na pinagbibidahan nina Dominic Ochoa at Marco Masa.

Nakatutuwang panoorin ang buong cast na kasama ang kani-kanilang pamilya sa Super D screening, kitang-kita kung gaano sila ka-close sa bawat isa kapag wala sa harap ng camera. At higit sa lahat, hindi sila mga artista nang mga oras na iyon kundi mga magulang ng kanilang mga tsikiting na makukulit.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Samantala, tiyak na papatok sa young televiewers ang kuwento ng Super D dahil tungkol ito sa mag-ama na ipinapakita kung gaano nila kamahal ang isa’t isa.

Agad pinaluha ni Dominic ang audience sa eksenang nagkahiwalay sila ng anak nang makulong siya.

Pero kahit nakakulong, wala namang mintis ang dalaw sa kanya ng anak at inang si Sylvia Sanchez.  

Naaliw kami dahil ilang taon lang yata ang tanda ni Ibyang kay Dominic pero mag-ina ang papel nila.

Samantala, nakipaghiwalay ang asawa ni Dom (ginagampanan ni Bianca Manalo) dahil sa sulsol ng magulang nito na hindi siya mabibigyan ng magandang buhay ng asawa na palaging inaalat sa trabaho.

Tama nga ang sabi ng ibang cast kay Marvin Agustin, walang effort ang acting niya at siyang-siya. Yes, Bossing DMB, parang hindi nag-evolve ang acting niya noong panahon nila ni Jolina Magdangal.

O baka naman kasi ito rin ang talagang karakter niya sa Super D na mayabang at mahilig magpapansin, kasi nga kulang sa pansin at salat sa pagmamahal kaya kahit asawa na si Bianca ng bestfriend niya ay pilit niyang inaangkin.

Tiyak na kaiinisan ng televiewing public si Marvin sa Super D, siya ang ka-love triangle nina Dominic at Bianca.

Hindi na namin ikukuwento ang isang linggong episode ng Super D para mas mag-enjoy kayong panoorin ito -- bago mag-TV Patrol sa ABS-CBN mula sa direksiyon nina Frasco Mortiz at Lino Cayetano.