KAHIT nanalo si boxing icon Manny Pacquiao laban sa American boxer na si Timothy Bradley, naniniwala ako at ang mga kasama ko sa kapihan na hindi siya dapat iboto at iluklok sa Senado.

Ang kanyang daigdig ay para lamang sa larangan ng boxing. Sa larangang ito, siya ay isang bayani. Sa pulitika, baka sa dakong huli ay maging isa siyang kontrabida at masangkot pa sa maputik at maburak na sistema ng pamumulitika sa bansa.

Nagbotohan kami ng mga kaibigan ko sa kapihan. Unanimous ang pasiya namin na si Pacman ay dapat na manatili sa mundo ng boxing. May duda ang maraming Pinoy at ang mga nasa abroad na baka hindi niya tuparin ang pangako niyang pagreretiro matapos ang Pacquiao-Bradley trilogy.

Kung ang katwiran ay higit daw siyang makatutulong sa mga kababayan kapag nahalal siyang senador (aba, tinatarget din yata balang araw ang panguluhan), karamihan sa mga Pinoy ay naniniwalang higit siyang epektibo bilang isang “private” Pacquiao kesa maging isang mambabatas sapagkat ang gampanin ng isang senador ay mag-draft ng mga panukalang batas. Ang trabaho sa Senado ay isang “cerebral undertaking” na ang gamit ay utak at hindi kamao.

Ano raw ba ang “cerebral undertaking” tanong ni senior-jogger. Tugon ni kaibigang palabiro pero sarkastiko:”Utak, utak, ang ginagamit doon lalo na sa paghuhulma ng mga panukala at pagdepensa sa plenaryo mula sa pagtatanong ng mga abogado, ekonomista, at beteranong senador.” Ano ang say mo Sen. Lito Lapid?

Sabad ni Tata Berto: “Kung ang gusto niya ay makatulong sa paghango sa kahirapan ng mga Pinoy, puwede niyang gamitin ang santambak na kinitang US dollar at saku-sakong piso sa pagtatayo ng sports complex, palaruan, gymnasium, boxing clinics upang makatulong sa mga nagnanais maging mahusay na boksingero tulad niya. O, kaya naman ay magtatag ng mga kooperatiba para sa mahihirap.”

Tinapik ko si Tata Berto at sinabing “Tama ka, tukayo, dahil sa pulitika ay baka marahuyo pa siya sa tukso ng PDAF at DAP na hanggang ngayon ay umiiral pa at itinatago lamang.”

Sa huling pagtutuos at pagsusuri, hindi namin iboboto si Manny. Dapat ay manatili siya sa larangan ng boxing. Sabi nga sa patalastas “Suportahan ta ka”, pero ito ay sa pagbo-boxing.

***

Samantala, habang nagbubunyi noong nakaraang Linggo (Abril 10) ang sambayanang Pilipino sa pagkakapanalo ni Pacquiao, sakbibi naman ng kalungkutan ang AFP sa pagkamatay ng 18 sundalo at pagkakasugat ng iba pa sa pakikipaglaban sa Abu Sayyaf Group noong Sabado sa Tipo-Tipo, Basilan. (Bert de Guzman)