Sinampahan na sa Sandiganbayan ng kasong graft si North Cotabato Governor Emmylou Talino-Mendoza dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng P2.3-milyon halaga ng krudo mula sa gasolinahan na pag-aari ng kanyang ina noong 2012.

Naghain ang Office of the Ombudsman ng kasong tatlong paglabag sa RA 3019 or Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Inirekomenda rin ng Ombudsman ang piyansang P30,000 sa bawat kaso ng graft na kinahaharap ng opisyal.

Nakasaad sa kaso na inaprubahan ni Mendoza noong 2012 ang paglalaan ng P2.3 milyon mula sa pondo ng pamahalaang panlalawigan upang bayaran ang Talino Shell Gas Station na nadiskubreng nakarehistro sa pangalan ng kanyang ina na si Noemi.

National

Maza sa maritime drill ng PH, US, Japan sa WPS: ‘Mas lalo tayong nalalagay sa alanganin!’

Ang naturang halaga ay ibinayad sa 49,526.72 litro ng krudo na nakonsumo umano ng isang road grader at apat na dump truck na ginamit sa dalawang araw na pakukumpuni ng kalsada.

Napag-alaman ng Ombudsman na hindi idinaan sa public bidding ang pagbili ng petrolyo na isang requirement sa ilalim ng Government Procurement Act.

Nadiskubre rin ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na umabot lamang sa 552 litro ng krudo ang aktuwal na nagamit sa dalawang araw na road maintenance project, taliwas sa P20,833 litro na binayaran ng pamahalaang panglalawigan ng North Cotabato. (Jeffrey G. Damicog)