Sinampahan ng kasong graft at malversation sa Sandiganbayan sina dating Davao del Sur Rep. Marc Douglas Cagas IV, dating Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Zenaida Ducut, at 23 iba matapos silang idawit sa multi-bilyon pisong pork barrel fund scam.

Kasong dalawang bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at dalawang bilang ng malversation of public funds ang iniharap laban kina Cagas, Ducut, at sa kanilang mga kasamahan.

Kasama rin sa kinasuhan ang mga dating opisyal ng Technology Resource Center (TRC) na sina Antonio Ortiz, Dennis Cunanan, Maria Rosalinda Lacsamana, Francisco Figura, Consuelo Lilian Espiritu, at Marivic Jover.

Kinasuhan din sina dating Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Mario Relampagos, dating DBM Specialist Rosario Nuñez, dating administrative assistants Marilou Bare at Lalaine Paule; dating National Agribusiness Corporation (NABCOR) President Alan Javellana; at mga dating empleyado ng NABCOR na sina Victor Roman Cacal, Romulo Relevo, Maria Ninez-Guañizo, Ma. Julie Villaralvo-Johnson, at Rhodora Mendoza.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list

Akusado rin sa graft at malversation ang tinaguriang pork barrel scam mastermind na si Janet Lim-Napoles, ang driver nitong si John Raymond De Asis, at sina Jesus Castillo, Margarita Guadinez, Ireneo Pirater, Jocelyn Deiparine, at Noel Macha.

“Based on the information of the cases, Cagas allocated a total of P7.550 million of his Priority Development Assistance Fund (PDAF) or pork barrel for 2008 to two of the alleged fake non-government organizations (NGOs) allegedly owned by Napoles,” ayon sa Office of the Special Prosecutor (OSP) ng Office of the Ombudsman.

Ayon sa Ombudsman, unang alokasyon ay Enero 2008, na aabot sa P2.7-milyon halaga ng pork barrel fund ni Cagas ang inilaan sana sa agricultural production packages ng mga magsasaka sa unang distrito ng Davao Del Sur.

(Rommel P. Tabbad)