PALARONG PAMBANSA

Ilustre, nagtala ng bagong Palaro swim record para sa NCR.

Legazpi City – Dumiskarte ang National Capital Region (NCR) sa paboritong swimming event at sa pangunguna ni Maurice Sacho Ilustre na nagtala ng bagong Palaro record, tumibay ang Big City sa kampanya para sa overall championship kahapon sa ikatlong araw ng aksiyon sa 2016 Palarong Pambansa, sa Albay-Bu Sports & Tourism Complex dito.

Nalagpasan ng 17-anyos mula sa University of the East ang dating record na 54.47 na naitala ni Kendrick Uy noong 2005 edistion sa Iloilo City sa matikas na 54.41 segundo na nagawa niya sa heat pa lamang ng Secondary Boys 13-17 100m freestyle event.

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

Nauna nang nagwagi si Ilustre sa 400m freestyle (4:12.94) at 200m butterfly (2:08.00) at inaasahang madodomina ang freestyle event para maisubi ang tatlong gintong medalya sa NCR.

Sa kabuuan, tangan ng Big City tankers ang pitong gintong medalya para tulungan ang NCR sa pagsirit sa unahan ng medals standing para sa overall championship.

Nakasikwat naman ng tatlong gintong medalya sa swimming pool ang MIMAROPA at dalawa sa Western Visayas. May tig-isa ang South Cotabato, Northern Mindanao, Davao Region at host Bicol Region.

Bukod kay Ilustre, nag-ambag din sa NCR sina Nicole Meah Pamintuan sa 400-m free (4:46.60) at 100-m backstroke (1:09.08). Nagwagi rin si Raphael Enrico Santos sa 4x50 medley (2:08.65) at 200-m free (2:10.85), gayundin si Miguel Barreto sa Boys 12 & Under 50m butterfly (29.89).

Nagwagi sa Secondary Boys 30m archery na ginanap sa Provincial Engineering Office sa Salugan Camalig, Albay si Justine Ronato ng Region 12 (337 puntos). Napunta ang ginto sa 50-m distance kay James Michael Exclamador ng Region 12 (310 puntos).

Iniuwi naman ang ginto sa Secondary Girls 30m distance ni Clarisse Michaelle Castro ng Region 3 habang ang 40m distance ay napunta kay Ma. Ferimi Gleam Bajado ng Negros Island Region (314).

Dalawang ginto naman ang naiuwi sa athletics ni Rick Angelo Sotto ng Central Visayas sa Elementary boys high jump at triple jump habang napantayan ni Charlaine de Ocampo ng Calabarzon ang 400-m hurdles record na isang minuto at 8.6 segundo na itinala noong 1998 Bacolod Palaro ni Junelou Cabal ng Northern Mindanao.

Tatlong gintong medalya ang napagwagihan ng Eastern Visayas sa boxing na ginaganap sa Penarada Park matapos magwagi sa boys 58kg si Francisco Arca, sa boys 46kg. si Arjay Versola at sa Boys 42kg. si Diomel Hugo na tinalo ang taga-NCR na si Joefer Callado.

Nanalo sa boys 54kg. si Jhungie Mar ng Ilocos Region na tinalo si Ezekiel Estomado ng Central Luzon habang sa boys 50 kg ay nagwagi ang taga-NCR na si Mark Jason Cater kontra kay Joshua Viador ng Region 8.